Nakakainis mag-download ng video na available lang sa format na hindi suportado ng device na gusto mong gamitin. O hulaan kung alin na video format ang pinakaangkop para sa iyo.
MKV at MP4 ang dalawa sa pinakagamit na video file formats. Ano ang pinagkaiba ng MKV at MP4? Mas maganda ba ang MKV kaysa MP4? Para maibsan ang iyong pagdududa, ipinaliwanag at inihambing namin ang dalawang pinakagamit na uri ng video file na ito. Narito ang kailangan mong malaman.
Unahin muna: Pagpapaliwanag ng containers at codecs
Binubuo ang multimedia files ng dalawang bahagi: isang container at isang codec. Kapag naunawaan mo ang pagkakaibang ito, makikita mo kung bakit may mga video file na naiiba o mas maganda kaysa sa iba. Ang video file na may karaniwang extension ay isa talagang uri ng container.
Ang container ang nagtatakda kung anong uri ng data ang maaaring ilagay sa file at kung paano inayos ang data sa loob ng file. Nagtataglay ito ng video codec, audio codec, at subtitles. Ang pagkakaroon ng tatlong mahahalagang bahagi ng video sa iisang file ay nagpapadali sa pag-transfer at pag-playback. Hindi kinakailangang tukuyin ng mga uri ng container kung paano naka-encode ang data.
Kapag humahawak ng raw videos na nangangailangan ng maraming espasyo, mahalagang ma-compress ang mga ito sa makatuwirang laki ng file. Iba-iba ang mga compression method at bawat isa ay may sariling mga kalamangan at kahinaan.
Video codecs ang kumakatawan sa iba't ibang paraan ng compression. Tandaan na kayang suportahan ng container files ang maraming codec. Dito maaaring magkaroon ng problema. Kahit mabasa ng iyong device ang MP4 video format, maaaring hindi nito ma-decode ang video sa loob ng MP4 file na iyon (na maaaring naka-encode bilang Xvid, x264, o x265).
Posible ring paghaluin ang iba't ibang codec. Halimbawa, kung mas bagay sa iyo, pumili ng high-quality na video codec pero medium-quality na audio.
Karaniwang ginagamit na video containers
Maraming uri ng video containers ang ipinakilala. Gayunman, iilan lang ang talagang gamit sa araw-araw. Kapag nag-download ka ng video mula sa web, malamang na isa ang file na iyon sa sumusunod na dalawang container format:
MP4 (MPEG-4 Part 14)
Ano ang ibig sabihin ng MP4? Ang MPEG-4 Part 14 ay isang standard na bahagi ng MPEG-4.
Ang MP4, isang digital multimedia container format, ay unang ipinakilala noong 2001. Pinalitan ng MP4 format ang sikat na QuickTime file format at pinahusay ito sa ilang paraan. Kadalasan itong ginagamit para mag-imbak ng video at audio, subtitles, at mga still image. Sinusuportahan nito ang iba't ibang video at audio codec pero karaniwang ginagamit kasama ng H.263 / H.264 para sa video at AAC para sa audio. Tulad ng karamihan sa modernong container formats, pinapayagan nito ang streaming sa Internet.
MKV (Matrosia video file)
Kaya, ano ang MKV file?
Ang MKV format ay unang ipinakilala noong 2002. Mayroon itong ilang katangian na nagtatangi rito mula sa mga naunang file format. Kayang maglaman ng MKV files ng halos lahat ng uri ng video at audio codec. Maaari itong maglaman ng walang limitasyong bilang ng video, audio, larawan, o subtitle tracks sa iisang file, kaya ito ang pinaka-flexible na format na mayroon sa ngayon.
Isa itong free at open standard, na tumulong para manatili itong relevant sa loob ng maraming taon. Ang Matroska file extensions ay .mkv para sa video.
MKV vs. MP4
Pagdating sa platform compatibility, mas compatible ang MP4 kaysa MKV sa video editing software at playback devices. Madalas itong gamitin para mag-play ng video sa web browser at mas kaunti ang overhead files. Ang MP4 ay angkop ding format para sa pag-upload ng video sa YouTube. Para sa mga video na in-optimize para sa mobile devices, MP4 ang kadalasang pinipiling encapsulation. Napapatugtog ang MP4 video sa iba't ibang uri ng portable players nang walang limitasyon. Kung nag-download ka ng espesyal na third-party media players sa isang mobile device, maaari mo ring ma-play ang MKV files.
Pagdating sa quality, tandaan na maraming salik ang nakaaapekto sa kalidad (hal. frame rate, resolution, sample rate, at iba pa). Kadalasang mas malaki ang file size ng MKV kaysa MP4 videos. Gayunman, hindi ibig sabihin nito na mas mababa ang kalidad ng MP4 file kaysa MKV. Dahil parehong container formats ang MKV at MP4, kaya nilang i-encapsulate ang parehong video at audio.
Ang pinakamahalagang salik para sa video quality ng MP4 kumpara sa MKV ay ang codec. Gaya ng nabanggit, maraming codec ang sinusuportahan ng MKV, kaya mas marami kang mapagpipilian. Laging tiyaking maaasahan at suportado sa ginagamit mong software ang napiling codec.
Aling video format ang pinakaangkop para sa iyong video?
Sa katotohanan, walang iisang sagot. Parehong may mga kalamangan ang dalawang video format para sa ilang partikular na kaso, at hindi ganoon kaganda para sa iba.
Sa kabuuan, piliin ang angkop na video format container ayon sa aktuwal mong pangangailangan. Kapag gumagawa ng video, timbangin ang mga pros at cons. Isaalang-alang kung gaano karaming tao ang makakapag-play ng isang partikular na uri ng container file at ng isang tiyak na codec.
Sa huli, matapos ang lahat ng nalaman mo tungkol sa dalawang format, gawin ang sarili mong pasya at alamin: alin ang mas mabuti, MKV o MP4?
Maaari ko bang i-convert ang MKV sa MP4?
Oo, maaari. Kung gagamit ka ng online video converter, hindi mo lang ma-co-convert ang MKV sa MP4, kundi maaari mo ring baguhin ang iba pang settings tulad ng screen size, video bitrate, audio quality, audio codec, video frame rate, at iba pa.